11:44 PM
Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo I

 

Sa araw na ito ipinagbibigay-alam natin ang isang mahalagang paksa. Ito ay isang paksa na tinalakay na mula pa noong simula ng gawain ng Diyos maging hanggang ngayon, at ito ay may napakahalagang kabuluhan para sa bawat tao. Sa madaling salita, ito ay isang suliranin na haharapin ng lahat sa buong proseso ng kanilang pananampalataya sa Diyos at isang suliranin na dapat ay bigyang-pansin. Ito ay isang napakahalaga, at di-maiiwasang suliranin kung saan hindi magagawa ng sangkatauhang ihiwalay ang kanyang sarili mula rito. Kung pag-uusapan ang kahalagahan, ano ang pinakamahalagang bagay para sa bawat mananampalataya ng Diyos? Ang palagay ng ilan, ang pinakamahalagang bagay ay ang maunawaan ang kalooban ng Diyos; sa paniniwala ng ilan ang pinakamahalaga ay ang makakain at makainom ng mas marami pang mga salita ng Diyos; sa pakiramdam naman ng iba ang pinakamahalagang bagay ay ang makilala ang kanilang mga sarili; sa iba naman ay ang opinyon na ang pinakamahalagang bagay ay ang malaman kung paano mahahanap ang kaligtasan sa pamamagitan ng Diyos, paano sumunod sa Diyos, at paano matutupad ang kalooban ng Diyos. Isasantabi nating lahat ang mga suliraning ito para sa araw na ito. Kaya ano ang tatalakayin natin kung ganoon? Ang tatalakayin natin ay isang paksa tungkol sa Diyos. Ito ba ang pinakamahalagang paksa para sa bawat tao? Ano ang nilalaman ng isang paksa na tungkol sa Diyos? Siyempre, tiyak na hindi maihihiwalay ang paksang ito sa disposisyon ng Diyos, sa diwa ng Diyos, at sa gawain ng Diyos. Kaya sa araw na ito, tatalakayin natin “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo.”

Mula sa panahong nagsimula ang tao na manampalataya sa Diyos, hinarap na nila ang mga paksang tulad ng Gawain ng Diyos, Disposisyon ng Diyos, at Ang Diyos Mismo. Pagdating sa gawain ng Diyos, sasabihin ng iba na: “Ang gawain ng Diyos ay ginagawa sa atin; nararanasan natin ito sa araw-araw, kaya hindi tayo bago sa bagay na ito.” Sa usapin ng disposisyon ng Diyos, may ilang tao ang magsasabi na: “Ang disposisyon ng Diyos ay isang paksang aming pinag-aaralan, sinasaliksik, at binibigyang-pansin sa aming buong buhay, kaya dapat na kabisado namin ito.” Tungkol naman sa Diyos Mismo, sasabihin ng ilan na: “Ang Diyos Mismo ang aming sinusunod, ang aming pinapanampalatayanan, at ang aming sinisikap na matamo, kaya hindi rin kami mangmang tungkol sa Kanya.” Hindi kailanman huminto ang Diyos sa Kanyang gawain mula pa sa paglikha, kung saan patuloy Niyang ipinahayag ang Kanyang disposisyon at gumamit Siya ng iba’t ibang paraan upang ipahayag ang Kanyang salita. Kasabay nito, hindi Siya kailanman huminto sa pagpapahayag ng Sarili Niya at ng Kanyang diwa sa sangkatauhan, sa pagpapahayag ng Kanyang kalooban sa tao at kung ano ang hinihingi Niya mula sa tao. Kaya mula sa literal na pananaw, hindi na dapat bago para sa sinuman ang mga paksang ito. Nguni’t para sa mga taong sumusunod sa Diyos sa mga araw na ito, ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo ay totoong lingid lahat sa kaalaman nila. Bakit ganoon ito? Habang nararanasan ng tao ang gawain ng Diyos, napakikitunguhan din nila ang Diyos, na ang pakiramdam nila ay para bang nauunawaan nila ang disposisyon ng Diyos o nalalaman nila ang bahagi ng kaanyuan nito. Kaya, hindi iniisip ng tao na siya’y isang estranghero sa gawain ng Diyos o sa disposisyon ng Diyos. Sa halip, iniisip ng tao na kilalang-kilala niya ang Diyos at marami siyang nauunawaan tungkol sa Diyos. Nguni’t batay sa kasalukuyang kalagayan, ang pagkakaunawa ng marami sa Diyos ay hanggang doon lamang sa mga nabasa nila sa mga aklat, limitado lamang sa saklaw ng sariling mga karanasan, nahahadlangan ng kanilang mga imahinasyon, at higit sa lahat, umaabot lamang sa mga katunayang nakikita ng sarili nilang mga mata. Ang lahat ng ito ay napakalayo mula sa tunay na Diyos Mismo. Sa gayon gaano kalayo itong “malayo”? Marahil hindi sigurado ang tao sa sarili niya, o marahil may kaunting pagkaunawa ang tao, may kaunting ideya—nguni’t kapag tungkol ito sa Diyos Mismo, ang pagkaintindi ng tao sa Kanya ay napakalayo mula sa diwa ng Diyos Mismo. Kaya kailangan natin ang paksang tulad ng “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo” upang maayos at partikular na pag-usapan ang impormasyong ito.

Sa katunayan, ang disposisyon ng Diyos ay lantad sa lahat at hindi nakatago, dahil hindi kailanman sinadyang umiwas ang Diyos sa sinumang tao at hindi Niya kailanman sinadyang hangarin na itago ang Sarili Niya upang hindi Siya makilala o maunawaan ng mga tao. Ang disposisyon ng Diyos ay palaging bukas at palaging nakaharap sa bawat tao sa isang lantad na paraan. Sa pamamahala ng Diyos, ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain na lantad sa lahat; at ginawa Niya sa bawat tao ang Kanyang gawain. Sa paggawa Niya ng gawaing ito, patuloy Niyang ibinubunyag ang Kanyang disposisyon, patuloy Niyang ginagamit ang Kanyang diwa at kung anong mayroon at kung ano Siya upang gabayan at tustusan ang bawat tao. Sa bawat panahon at sa bawat yugto, maganda man o pangit ang mga kalagayan, ang disposisyon ng Diyos ay laging lantad sa bawat indibidwal, at kung ano ang mayroon at kung ano Siya ay laging lantad sa bawat indibidwal, sa parehong paraan ng palagi at walang-patid na paglalaan at pag-alalay ng Kanyang buhay sa sangkatauhan. Sa kabila ng lahat ng ito, ang disposisyon ng Diyos ay nananatiling nakatago para sa ilan. Bakit ganoon? Dahil bagama’t nabubuhay ang mga taong ito sa loob ng gawain ng Diyos at sumusunod sila sa Diyos, hindi nila kailanman pinagsikapang unawain o ginustong makilala ang Diyos, at mas lalo na ang mapalapit sa Diyos. Para sa mga taong ito, ang pagkaunawa sa disposisyon ng Diyos ay nangangahulugang malapit na ang kanilang katapusan; nangangahulugan ito na malapit na silang hatulan at mapatunayang may sala sa pamamagitan ng disposisyon ng Diyos. Dahil dito, hindi kailanman ginusto ng mga taong ito na unawain ang Diyos o ang Kanyang disposisyon, at hindi nila sinikap na matamo ang mas malalim na pagkaunawa o kaalaman sa kalooban ng Diyos. Hindi nila nilalayong maintindihan ang kalooban ng Diyos sa pamamagitan ng sinadyang pakikisama—habang-panahon lang sila na nagpapakasaya at hindi nagsasawa sa paggawa ng mga bagay na gusto nila; nananampalataya sa Diyos na nais nilang panampalatayanan; nananampalataya sa Diyos na umiiral lamang sa kanilang mga imahinasyon, ang Diyos na umiiral lamang sa kanilang mga pagkaintindi; at nananampalataya sa isang Diyos na hindi maihihiwalay sa kanila sa araw-araw nilang pamumuhay. Pagdating sa tunay na Diyos Mismo, ganap silang umiiwas, walang pagnanais na maunawaan Siya, makinig sa Kanya, at mas lalo nang kakaunti ang layunin na mapalapit sa Kanya. Ginagamit lang nila ang mga salitang ipinahahayag ng Diyos upang pagandahin ang sarili nilang anyo, upang maging mabenta sila. Para sa kanila, iyon na ang pagiging matagumpay na mananampalataya at iyon na ang mga taong may pananampalataya sa Diyos sa kanilang mga puso. Sa kanilang mga puso, ginagabayan sila ng kanilang mga imahinasyon, ng kanilang mga pagkaintindi, at kahit ang kanilang mga personal na pakahulugan sa Diyos. Sa kabilang banda, ang tunay na Diyos Mismo ay lubos na walang kaugnayan sa kanila. Dahil sa sandaling maunawaan nila ang tunay na Diyos Mismo, maunawaan nila ang tunay na disposisyon ng Diyos, at maunawaan nila kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, nangangahulugan ito na parurusahan ang kanilang mga gawa, ang kanilang mga pananampalataya, at ang kanilang mga pinagkakaabalahan. Iyan ang dahilan kung bakit ayaw nilang unawain ang diwa ng Diyos, at kung bakit nag-aatubili sila at ayaw nilang maging aktibo sa pagsasaliksik o pananalangin upang mas maunawaan ang Diyos, mas lalong malaman ang kalooban ng Diyos, at mas lalong maunawaan ang disposisyon ng Diyos. Mas gugustuhin pa nila na ang Diyos ay kathang-isip lamang, hungkag at mailap. Mas nanaisin pa nila na ang Diyos ay maging ganap na gaya ng nasa imahinasyon nilang Siya, isang Diyos na sunud-sunuran sa kanila, di-nauubos ang panustos at laging nariyan. Kapag nais nilang tamasahin ang biyaya ng Diyos, hinihiling nila sa Diyos na maging Siya ang biyayang iyon. Kapag kailangan nila ang pagpapala ng Diyos, hinihiling nila sa Diyos na maging Siya ang pagpapalang iyon. Kapag humaharap sila sa kahirapan, hinihiling nila sa Diyos na palakasin ang kanilang loob, na maging tagasalo nila. Ang kaalaman ng mga taong ito tungkol sa Diyos ay nananatili sa nasasaklawan ng biyaya at pagpapala. Ang pagkaunawa nila sa gawain ng Diyos, disposisyon ng Diyos, at sa Diyos ay nalilimitahan din ng kanilang mga imahinasyon at pawang mga titik at doktrina lamang. Nguni’t may ilang taong sabik na maunawaan ang disposisyon ng Diyos, nagnanais na tunay na makita ang Diyos Mismo, at tunay na maunawaan ang disposisyon ng Diyos at kung ano ang mayroon at kung ano Siya. Ang mga taong ito ay nagpupursiging mahanap ang realidad ng katotohanan at kaligtasan ng Diyos, at nagnanais na matanggap ang paglupig, pagligtas, at pagperpekto ng Diyos. Ginagamit ng mga taong ito ang kanilang mga puso upang basahin ang salita ng Diyos, ginagamit ang kanilang mga puso upang pahalagahan ang bawat kalagayan ng bawat tao, pangyayari, o bagay na isinaayos ng Diyos para sa kanila, at nananalangin at nagsasaliksik nang may katapatan. Ang nais nila higit sa lahat ay malaman ang kalooban ng Diyos at maunawaan ang tunay na disposisyon at diwa ng Diyos. Ito ay para hindi na sila magkasala sa Diyos, at sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, mas makita pa nila ang pagiging kaibig-ibig ng Diyos at ang tunay Niyang panig. Ito rin ay upang iiral ang bukod-tanging tunay na Diyos sa kanilang mga puso, at upang magkaroon ang Diyos ng lugar sa kanilang mga puso, sa paraang ito hindi na sila mabubuhay sa kalagitnaan ng mga imahinasyon, pagkaintindi, o pagka-mailap. Para sa mga taong ito, ang dahilan kung bakit mayroon silang matinding kagustuhan na maunawaan ang disposisyon ng Diyos at Kanyang diwa ay dahil ang disposisyon ng Diyos at diwa ay mga bagay na maaaring kailanganin ng sangkatauhan sa anumang sandali sa kanilang mga karanasan, mga bagay na tumutustos sa buhay sa kanilang habang-buhay. Sa sandaling maunawaan nila ang disposisyon ng Diyos, magagawa nilang lalong igalang ang Diyos, lalo silang makakatuwang sa gawain ng Diyos, at lalo silang makapagbibigay-halaga sa kalooban ng Diyos at makatutupad ng kanilang tungkulin sa abot ng kanilang mga kakayahan. Ito ang dalawang uri ng tao pagdating sa kanilang saloobin sa disposisyon ng Diyos. Ang una ay ayaw maunawaan ang disposisyon ng Diyos. Kahit pa sabihin nilang nais nilang maunawaan ang disposisyon ng Diyos, makilala ang Diyos Mismo, makita kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, at talagang pahalagahan ang kalooban ng Diyos, sa kaibuturan ng kanilang mga kalooban mas gugustuhin nilang wala na lang ang Diyos. Ito ay dahil palaging sumusuway at lumalaban sa Diyos ang ganitong uri ng mga tao; nilalabanan nila ang Diyos para sa puwesto sa sarili nilang mga puso at madalas ay nagdududa o itinatanggi pa ang pag-iral ng Diyos. Ayaw nilang hayaang manahan sa kanilang mga puso ang disposisyon ng Diyos o ang Diyos Mismo. Nais lang nilang pagbigyan ang sarili nilang mga kagustuhan, mga imahinasyon, at mga ambisyon. Kaya ang mga taong ito ay maaaring mananampalataya sa Diyos, sumusunod sa Diyos, at maaari ring isakripisyo ang kanilang mga pamilya at hanapbuhay para sa Kanya, nguni’t hindi nila tinatapos ang kanilang masasamang kagawian. Ang iba pa nga ay nagnanakaw o nagwawaldas ng mga kaloob, o isinusumpa ang Diyos nang palihim, samantalang ang iba ay maaaring gamitin ang kanilang mga katungkulan upang paulit-ulit na magpatotoo tungkol sa kanilang mga sarili, palaguin ang kanilang mga sarili, at makipag-agawan sa Diyos para sa mga tao at katungkulan. Gumagamit sila ng sari-saring mga paraan at hakbang para sambahin sila ng mga tao, palaging sinusubukang makuha ang mga tao at panghawakan sila. Ang mga iba nga ay sinasadya pang ilihis ang mga tao para isiping sila ay Diyos at maaaring tratuhing parang Diyos. Hinding-hindi nila sasabihin sa mga tao na sila rin mismo ay makasalanan, na sila rin ay tiwali at mayabang, at huwag silang sambahin, at gaano man sila kahusay, ito ay dahil lamang sa pagpaparangal sa Diyos at dapat din lang naman nilang ginagawa. Bakit hindi nila ito binabanggit? Dahil lubha silang natatakot na mawala ang kanilang lugar sa puso ng mga tao. Ito ang dahilan kung bakit ang mga taong tulad nito ay hindi kailanmang dumakila sa Diyos at hindi kailanmang sumaksi tungkol sa Diyos, katulad ng hindi kailanman nilang pagsubok na unawain ang Diyos. Maaari ba nilang makilala ang Diyos nang hindi Siya nauunawaan? Imposible! Kaya, bagama’t maaaring simple ang mga salita sa paksang “Ang Gawain ng Diyos, ang Disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo”, ang kanilang kahulugan ay hindi pare-pareho para sa lahat. Para sa isang taong madalas sumuway sa Diyos, lumalaban sa Diyos, at masama ang pakikitungo sa Diyos, ito ay nangangahulugang pagpaparusa; samantalang para sa isang tao na naghahangad ng realidad ng katotohanan at madalas na lumalapit sa Diyos upang hanapin ang kalooban ng Diyos, walang dudang para siyang isda na pinakawalan sa tubig. Kaya sa inyo, kapag ang ilan ay nakarinig ng usaping tungkol sa disposisyon ng Diyos at gawain ng Diyos, magsisimulang sumakit ang kanilang mga ulo, napupuno ng panlalaban ang kanilang mga puso, at nagiging napakabalisa ang mga ito. Nguni’t may mga iba sa inyong nag-iisip: Ang paksang ito ang ganap na kailangan ko, dahil lubhang kapaki-pakinabang sa akin ang paksang ito. Isa itong bahagi na hindi maaaring wala sa karanasan ko sa buhay; ito ang pinakamahalaga sa pinakamahalaga, ang pundasyon ng pananampalataya sa Diyos, at isang bagay na hindi kakayaning talikuran ng sangkatauhan. Para sa inyong lahat, ang paksang ito ay maaaring tila ba parehong malapit at malayo, hindi alam nguni’t pamilyar. Nguni’t ano pa man, ito ay paksa na dapat pakinggan, dapat malaman, at dapat maunawaan ng lahat. Kahit paano ka man makitungo dito, kahit paano mo mang tanawin ito o paano mo mang tanggapin ito, ang kahalagahan ng paksang ito ay hindi maaaring ipagsawalang-bahala.

Ginagawa na ng Diyos ang Kanyang gawain simula pa noong nilikha Niya ang sangkatauhan. Noong simula, napakasimple ang gawain, nguni’t kahit na gayon, taglay pa rin nito ang mga pahayag ng diwa at disposisyon ng Diyos. Samantalang ang gawain ng Diyos ngayon ay nasa mas mataas na antas, sa Kanyang pagbubuhos ng napakaraming tunay na gawain sa bawat taong sumusunod sa Kanya at nagpapahayag ng isang makahulugang halaga ng Kanyang salita, mula pa noong simula hanggang ngayon, ang persona ng Diyos ay inilihim sa sangkatauhan. Bagama’t dalawang beses na Siyang nagkatawang-tao, mula sa panahon ng mga nasusulat sa Biblia hanggang sa modernong panahon, sino na ang nakakita kailanman sa tunay na persona ng Diyos? Batay sa inyong pang-unawa, kailanman mayroon bang sinuman ang nakakita sa tunay na persona ng Diyos? Wala. Walang sinuman ang nakakita sa tunay na persona ng Diyos, na nangangahulugang walang sinuman ang kailanman ay nakakita sa tunay na sarili ng Diyos. Isang bagay ito na sinasang-ayunan ng lahat. Ang ibig sabihin, ang tunay na persona ng Diyos, o ang Espiritu ng Diyos, ay nakatago mula sa lahat ng sangkatauhan, kasama na sina Adan at Eva, na Kanyang nilikha, at kasama na rin ang matuwid na si Job, na Kanyang tinanggap. Kahit sila hindi nila nakita ang tunay na persona ng Diyos. Nguni’t bakit sinasadya ng Diyos na itago ang Kanyang tunay na persona? Sabi ng ilang tao: “Natatakot ang Diyos na makapanakot ng mga tao.” Sabi ng iba: “Itinatago ng Diyos ang Kanyang tunay na persona dahil masyadong maliit ang tao at ang Diyos ay masyadong malaki; hindi pinapayagang makita Siya ng mga tao, o mamamatay sila.” Mayroon ding mga nagsasabing: “Abala ang Diyos sa pamamahala ng Kanyang gawain sa araw-araw, baka wala siyang panahon na magpakita upang hayaang makita Siya ng mga tao.” Ano man ang inyong paniniwala, may konklusyon Ako rito. Ano ang konklusyon na iyan? Iyon ay ni hindi gusto ng Diyos na makita ng tao ang tunay Niyang persona. Ang pagtatago mula sa sangkatauhan ay isang bagay na sinasadyang gawin ng Diyos. Sa madaling salita, layunin ng Diyos na hindi makita ng mga tao ang tunay Niyang persona. Malinaw na dapat ito sa lahat. Kung hindi kailanman ipinakita ng Diyos ang Kanyang persona sa kanino man, sa palagay ba ninyo ay umiiral ang persona ng Diyos? (Umiiral Siya.) Siyempre umiiral Siya. Ang pag-iral ng persona ng Diyos ay hindi matututulan. Nguni’t sa kung gaano kalaki ang persona ng Diyos o kung ano ang Kanyang anyo, ito ba ay mga katanungan na dapat saliksikin ng sangkatauhan? Hindi. Ang sagot ay negatibo. Kung ang persona ng Diyos ay isang paksang hindi natin dapat ginagalugad, samakatuwid ano ang tanong na dapat nating bigyang-pansin? (Ang disposisyon ng Diyos.) (Ang gawain ng Diyos.) Nguni’t bago natin simulang ipagbigay-alam ang opisyal na paksa, gayon man, balikan natin ang ating tinatalakay kani-kanina lang: Bakit hindi kailanman ipinakita ng Diyos ang Kanyang persona sa sangkatauhan? Bakit sinasadyang itago ng Diyos ang Kanyang persona sa sangkatauhan? Mayroon lamang iisang dahilan, at iyon ay: Bagama’t ang nilikhang tao ay dumaan na sa libu-libong taon ng paggawa ng Diyos, wala ni isang taong nakaaalam sa gawain ng Diyos, sa disposisyon ng Diyos, at sa diwa ng Diyos. Ang mga ganoong tao sa mata ng Diyos, ay sumasalungat sa Kanya, at hindi ipinapakita ng Diyos ang Sarili Niya sa mga taong kumakalaban sa Kanya. Ito ang tanging dahilan kung bakit hindi kailanman ipinahayag ng Diyos sa sangkatauhan ang Kanyang persona at kung bakit sinasadya Niyang sanggahan ang Kanyang persona mula sa kanila. Malinaw na ba sa inyo ang kahalagahan ng pag-alam sa disposisyon ng Diyos?

Simula noong nagkaroon ng pamamahala ng Diyos, lagi na Siyang nakatalagang lubos sa pagsasagawa ng Kanyang gawain. Sa kabila ng pagtatakip ng Kanyang persona mula sa kanila, palagi lang Siyang nasa tabi ng tao, gumagawa sa kanila, nagpapahayag ng Kanyang disposisyon, ginagabayan ang lahat ng sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang diwa, at ginagawa ang Kanyang gawain sa bawat isang tao gamit ang Kanyang kalakasan, ang Kanyang karunungan, at ang Kanyang awtoridad, at sa ganoon ay nilikha Niya ang Kapanahunan ng Kautusan, ang Kapanahunan ng Biyaya, at sa ngayon ang Kapanahunan ng Kaharian. Bagama’t itinatago ng Diyos ang Kanyang persona mula sa tao, ang Kanyang disposisyon, kung ano Siya at kung anong mayroon Siya, at ang Kanyang kalooban sa sangkatauhan, ay walang pangingiming ipinahahayag sa tao upang makita at maranasan ng tao. Sa madaling salita, kahit hindi makita o mahipo ng mga tao ang Diyos, ang disposisyon at diwa ng Diyos na napapakitunguhan ng sangkatauhan ay totoong mga pagpapahayag ng Mismong Diyos. Hindi ba iyan ang katotohanan? Sa anumang paraan o mula sa anumang anggulo na gawin ng Diyos ang Kanyang gawain, lagi Niyang trinatrato ang mga tao na ayon sa Kanyang totoong pagkakakilanlan, ginagawa ang dapat Niyang gawin at sinasabi ang dapat Niyang sabihin. Mula sa anumang katayuan mangusap ang Diyos—maaaring nakatayo Siya sa ikatlong kalangitan, o nakatayo sa katawang-tao, o kahit bilang isang karaniwang tao—lagi Siyang nangungusap sa tao nang buong puso at sa Kanyang buong kaisipan, nang walang pandaraya o pagkukubli. Kapag ginagawa Niya ang Kanyang gawain, ipinahahayag ng Diyos ang Kanyang salita at ang Kanyang disposisyon, at ipinahahayag kung anong mayroon at kung ano ang Diyos, nang walang anumang pangingimi. Ginagabayan Niya ang sangkatauhan sa pamamagitan ng Kanyang buhay, at kung ano Siya at kung anong mayroon Siya. Ganito nabuhay ang tao sa Kapanahunan ng Kautusan—ang panahon ng pagkakanlong para sa katauhan—sa ilalim ng paggabay ng di-makita at di-mahipong Diyos.

Unang nagkatawang-tao ang Diyos matapos ang Kapanahunan ng Kautusan, isang pagkakatawang-tao na tumagal ng tatlumpu’t tatlo at kalahating taon. Para sa isang tao, ang tatlumpu’t tatlo at kalahating taon ba ay mahabang panahon? (Hindi mahaba.) Dahil ang buhay ng isang tao ay karaniwang mas mahaba sa mahigit tatlumpung taon, hindi ito gaanong matagal para sa tao. Nguni’t para sa Diyos na nagkatawang-tao, napakahaba itong tatlumpu’t tatlo at kalahating taon. Siya ay naging tao—isang karaniwang tao na pumasan sa gawain at utos ng Diyos. Ito ay nangangahulugang kinailangan Niyang gawin ang gawain na hindi kaya ng karaniwang tao, habang tinitiis din ang pagdurusang hindi kayang tiisin ng karaniwang mga tao. Ang tindi ng pagdurusang tiniis ng Panginoong Jesus noong Kapanahunan ng Biyaya, mula sa simula ng Kanyang gawain hanggang noong ipinako Siya sa krus, ay isang bagay na maaaring hindi nakita mismo ng mga tao sa panahong ito, nguni’t maaari ba ninyong pahalagahan man lamang ang kahit kaunti nito sa pamamagitan ng mga kuwento sa Biblia? Gaano man karami ang mga detalyeng kasama sa mga naitalang ito, sa lahat-lahat, ang gawain ng Diyos sa panahong ito ay punung-puno ng kahirapan at pagdurusa. Para sa isang tiwali na tao, hindi matagal ang panahon na tatlumpu’t tatlo at kalahating taon; ang kaunting pagdurusa ay balewala lang. Nguni’t para sa banal at walang-dungis na Diyos, na kinakailangang magpasan sa lahat ng kasalanan ng sangkatauhan, at kumain, matulog, at mabuhay kasama ang mga makasalanan, masyadong malubha ang sakit na ito. Siya ang Lumikha, ang Panginoon ng lahat ng bagay at ang Pinuno ng lahat, nguni’t noong pumarito Siya sa mundo, kinailangan Niyang tiisin ang pang-aapi at kalupitan ng mga tiwaling tao. Upang matapos Niya ang Kanyang gawain at mailigtas ang sangkatauhan mula sa paghihirap, kinailangan Siyang parusahan ng tao, at pasanin ang mga kasalanan ng buong sangkatauhan. Ang hangganan ng pagdurusang pinagdaanan Niya ay hindi posibleng maarok o sapat na mapahalagahan ng mga pangkaraniwang tao. Ano ang kinakatawan ng pagdurusang ito? Kinakatawan nito ang katapatan ng Diyos sa sangkatauhan. Kinakatawan nito ang kahihiyang pinagdusahan Niya at ang halagang binayaran Niya para sa kaligtasan ng tao, upang tubusin ang kanilang mga kasalanan, at upang tapusin ang bahaging ito ng Kanyang gawain. Nangangahulugan din ito na ang tao ay matutubos ng Diyos mula sa krus. Ito ay halagang binayaran gamit ang dugo, gamit ang buhay, isang halagang di-kayang bayaran ng mga nilikha. Iyon ba ay dahil mayroon Siyang diwa ng Diyos at nasa Kanya ang kung anong mayroon at kung ano ang Diyos kaya nakayanan Niya ang ganitong uri ng pagdurusa at ang ganitong uri ng gawain. Isang bagay ito na walang makagagawa na nilikha kahalili Niya. Ito ang gawain ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya at isang pagbubunyag ng Kanyang disposisyon. Nagbunyag ba ito ng anuman tungkol sa kung anong mayroon at kung ano ang Diyos? Dapat lang ba na malaman ito ng sangkatauhan?

Sa panahong iyon, bagama’t hindi nakita ng tao ang persona ng Diyos, tinanggap nila ang handog ng Diyos para sa kasalanan at natubos sila ng Diyos mula sa krus. Maaaring hindi ganap na walang alam ang sangkatauhan tungkol sa gawaing ginawa ng Diyos sa Kapanahunan ng Biyaya, nguni’t mayroon bang nakaaalam sa disposisyon at kaloobang ipinahayag ng Diyos sa panahong ito? Alam lang ng tao ang tungkol sa mga detalye ng gawain ng Diyos sa iba’t ibang panahon sa pamamagitan ng iba’t ibang mga paraan, o may alam sila tungkol sa mga kuwentong may kaugnayan sa Diyos na naganap kasabay ng pagsasagawa ng Diyos sa Kanyang gawain. Ang mga detalye at mga kuwentong ito ay ilang impormasyon o mga alamat lamang na tungkol sa Diyos, at walang kaugnayan sa disposisyon ng Diyos at diwa. Kaya kahit na gaano karaming kuwento ang alam ng tao tungkol sa Diyos, hindi ito nangangahulugan na may malalim silang pagkaunawa at kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos o Kanyang diwa. Katulad noong Kapanahunan ng Kautusan, bagama’t ang mga tao mula sa Kapanahunan ng Biyaya ay nakaranas ng isang malapitan at malalim na pakikitungo sa Diyos sa katawang-tao, sa katunayan wala silang kaalaman tungkol sa disposisyon ng Diyos at diwa ng Diyos.

Sa Kapanahunan ng Kaharian, muling nagkatawang-tao ang Diyos, katulad ng ginawa Niya noong unang beses. Sa panahong ito ng paggawa, ipinahahayag pa rin ng Diyos nang walang pangingimi ang Kanyang salita, ginagawa ang gawaing dapat Niyang ginagawa, at ipinahahayag kung anong mayroon at kung ano Siya. Kasabay nito, patuloy Niyang tinitiis at pinagbibigyan ang pagkasuwail at kamangmangan ng tao. Hindi ba patuloy pa rin ang Diyos sa pagbunyag ng Kanyang disposisyon at ipinapahayag ang Kanyang kalooban sa panahong ito ng paggawa? Samakatuwid, mula sa pagkalikha ng tao hanggang ngayon, ang disposisyon ng Diyos, kung ano Siya at anong mayroon Siya, at ang Kanyang kalooban, ay palaging lantad sa bawat tao. Hindi kailanman sinadyang itago ng Diyos ang Kanyang diwa, ang Kanyang disposisyon, o ang Kanyang kalooban. Wala lang talagang pagpapahalaga ang sangkatauhan tungkol sa kung ano ang ginagawa ng Diyos, ano ang Kanyang kolooban—kaya ang pagkaunawa ng tao sa Diyos ay lubhang kahabag-habag. Sa madaling salita, habang itinatago ng Diyos ang Kanyang persona, Siya ay nakaabang rin sa tabi ng sangkatauhan sa bawat sandali, lantad na ipinaaabot ang Kanyang kalooban, disposisyon, at diwa sa lahat ng oras. Sa isang dako, ang persona ng Diyos ay lantad rin sa mga tao, nguni’t dahil sa kabulagan at pagkasuwail ng tao, palaging hindi nila nakikita ang pagpapakita ng Diyos. Kaya kung ganyan ang kalagayan, hindi ba dapat na madali para sa lahat ang pag-unawa sa disposisyon ng Diyos at sa Diyos Mismo? Napakahirap sagutin ang tanong na iyan, di ba? Maaari mong sabihing madali iyan, nguni’t habang nagsusumikap ang ilang tao na makilala ang Diyos, hindi talaga nila makilala ang Diyos o magkaroon ng malinaw na pagkaunawa sa Kanya—palaging malabo at hindi maliwanag. Nguni’t kung sasabihin mong ito’y hindi madali, hindi rin naman ito tama. Sa tagal nilang pagiging pakay ng gawain ng Diyos, lahat ay nararapat, sa pamamagitan ng kanilang mga karanasan, na magkaroon ng totoong mga pakikitungo sa Diyos. Nadama man lamang dapat nila ang Diyos sa anumang antas sa kanilang mga puso o nakatagpo ang Diyos sa nakaraan sa isang antas na espirituwal, at kaya dapat na mayroon man lamang silang kaunting mapang-unawang kamalayan sa disposisyon ng Diyos o nagkaroon ng kaunting pagkaunawa sa Kanya. Mula noong panahong nagsimula ang taong sumunod sa Diyos hanggang ngayon, masyado nang marami ang natanggap ng sangkatauhan, nguni’t dahil sa lahat ng uri ng dahilan—ang mababang kalibre ng tao, kamangmangan, pagiging rebelde, at sari-saring mga layunin—masyadong marami rin ang nawala ng sangkatauhan. Hindi pa ba sapat ang mga naibigay ng Diyos sa sangkatauhan? Bagama’t itinatago ng Diyos ang Kanyang persona sa mga tao, tinutustusan Niya sila ng kung anong mayroon at kung ano Siya, at kahit ng buhay Niya; ang kaalaman ng sangkatauhan tungkol sa Diyos ay hindi lamang dapat kung ano ito ngayon. Kaya sa palagay Ko ay kailangang mas magbahagi sa inyo ng tungkol sa paksang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo. Ang layunin ay upang hindi mauwi sa wala ang ilang libong taon na pag-aalaga at paglingap na ibinuhos ng Diyos sa tao, at upang tunay na maunawaan ng sangkatauhan at mapahalagahan ang kalooban ng Diyos para sa kanila. Ito ay upang makausad ang mga tao sa isang bagong hakbang sa kanilang pagkakilala sa Diyos. Maibabalik rin nito ang Diyos sa Kanyang nararapat na lugar sa puso ng mga tao, upang mabigyan Siya ng katarungan.

Upang maunawaan ang disposisyon ng Diyos at ang Diyos Mismo kailangan ninyong magsimula sa isang bagay na napakaliit. Nguni’t mula sa kaunting bahagi ng alin kayo magsisimula? Una sa lahat, nakahukay Ako ng ilang kabanata sa Biblia. Ang impormasyon sa ibaba ay naglalaman ng mga bersikulo sa Biblia, na may kaugnayan lahat sa paksang gawain ng Diyos, disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo. Natuklasan Ko mismo ang mga pagpapatibay na ito bilang sanggunian para matulungan kayong malaman ang gawain ng Diyos, ang disposisyon ng Diyos, at ang Diyos Mismo. Ibabahagi Ko ang mga ito sa inyo upang makita ninyo kung anong uri ng disposisyon at diwa ang ipinahayag ng Diyos sa Kanyang nakaraang gawain nguni’t hindi nalalaman ng mga tao. Maaaring luma ang mga kabanatang ito, nguni’t ang paksang ating pinagbibigay-alam ay isang bagong bagay na wala sa mga tao at hindi pa nila kailanman narinig. Maaaring ituring ito ng ilan sa inyo bilang hindi kapani-paniwala—hindi ba’t ang pag-usapan sina Adan at Eva at ang pagbalik kay Noe ay muling pagbabalik sa nadaanan na natin? Anuman ang inyong palagay, ang mga kabanatang ito ay lubhang kapaki-pakinabang sa pakikipagtalastasan sa paksang ito at maaaring maging mga panturong teksto o mga pangunahing gamit para sa pagbabahaginan sa araw na ito. Mauunawaan ninyo ang Aking mga layunin sa pagpili Ko sa mga bahaging ito sa pagtatapos ng pagbabahaginan na ito. Maaaring nakita na ng mga nakabasa ng Biblia ang ilan sa mga bersikulong ito, nguni’t hindi totoong naunawaan ang mga ito. Tingnan muna natin nang pahapyaw bago natin isa-isahin ang mga ito nang mas detalyado.

Si Adan at si Eva ang mga ninuno ng sangkatauhan. Kung magbabanggit tayo ng mga tauhan mula sa Biblia, dapat tayong magsimula sa kanilang dalawa. Ang kasunod ay si Noe, ang ikalawang ninuno ng sangkatauhan. Nakikita mo ba iyon? Sino ang pangatlong karakter? (Abraham.) Alam ba ninyong lahat ang tungkol sa kuwento ni Abraham? Marahil ay alam ito ng ilan sa inyo, nguni’t para sa iba, marahil ay hindi ito gaanong malinaw. Sino ang ikaapat na karakter? Sino ang binabanggit sa kuwento ng pagkasira ng Sodoma? (Lot.) Nguni’t si Lot ay hindi tinukoy dito. Sino ang tinutukoy dito? (Abraham.) Ang pangunahing bagay na binanggit sa kuwento ni Abraham ay kung ano ang sinabi ng Diyos na si Jehova. Nakikita ba ninyo ito? Sino ang ikalimang karakter? (Job.) Hindi ba napakarami ang binanggit ng Diyos sa kuwento ni Job sa yugtong ito ng Kanyang gawain? Kung ganoon napakahalaga ba sa inyo ang tungkol sa kuwentong ito? Kung napakahalaga nga ito sa inyo, maingat ba ninyong binasa ang kuwento ni Job sa Biblia? Alam ba ninyo ang mga bagay na sinabi ni Job, ang mga bagay na ginawa niya? Yaong mga nakabasa na nang pinakamadalas, ilang beses na ninyong nabasa ito? Madalas ba ninyong basahin ito? Mga kapatirang kababaihan mula sa Hong Kong, pakisabi sa amin. (Binasa ko ito ng ilang beses dati noong nasa Kapanahunan ng Biyaya tayo.) Hindi mo ba ulit nabasa ito mula noon? Kung gayon, napakalaking kahihiyan iyon. Hayaan ninyong sabihin Ko sa inyo: Sa yugtong ito ng gawain ng Diyos, binanggit Niya si Job nang maraming beses, na sumasalamin sa Kanyang mga layunin. Na binanggit Niya si Job nang maraming beses nguni’t hindi ito nakatawag-pansin sa inyo ay bagay na patotoo sa isang katotohanan: Wala kayong nais na maging mga taong matuwid at mga taong may takot sa Diyos at lumalayo sa kasamaan. Dahil masaya na kayo na may pahapyaw na kaalaman tungkol sa kuwento ni Job na tinukoy ng Diyos. Kontento na kayong maunawaan lamang ang mismong kuwento, nguni’t hindi ninyo inaalala at hindi sinusubukang unawain ang mga detalye kung sino si Job bilang isang tao at ang layunin kung bakit tinukoy ng Diyos si Job sa maraming pagkakataon. Kung hindi man lamang kayo interesado sa ganoong tao na pinuri ng Diyos, kung ganoon ano ba talaga ang pinag-uukulan ninyo ng pansin? Kung hindi kayo interesado at hindi ninyo sinusubukang maunawaan ang ganoong kahalagang tao na binanggit ng Diyos, samakatuwid ano ang ipinahihiwatig niyan tungkol sa saloobin ninyo sa salita ng Diyos? Hindi ba napakalungkot niyan? Hindi ba nito pinatutunayang karamihan sa inyo ay hindi nagsasagawa ng mga praktikal na bagay at hindi lahat ay naghahanap ng katotohanan? Kung talagang hinahanap mo ang katotohanan, bibigyan mo ng kaukulang-pansin ang mga taong kinaluluguran ng Diyos at ang mga kuwento ng mga tauhang binanggit ng Diyos. Sa kabila ng kung kaya mong pahalagahan ito o matuklasang maliwanag, pupuntahan mo agad at babasahin ito, susubukang intindihin ito, hahanap ng paraang sundin ang halimbawa nito, at gagawin mo ang lahat sa abot ng iyong kakayahan. Ito ang asal ng isang taong naghahangad ng katotohanan. Nguni’t sa totoo lang, karamihan sa inyo na nakaupo rito ay hindi kailanman nabasa ang kuwento ni Job. Talagang may ipinahihiwatig ito.

Balikan natin ang paksang katatalakay Ko lamang. Ang bahaging ito ng kasulatang tumatalakay sa Kapanahunan ng Kautusan sa Lumang Tipan, higit sa lahat, ay mga kuwento ng mga tauhang Aking hinango. Ito ay mga kuwentong alam na ng karamihan ng mga taong nakabasa na ng Biblia. Ang mga tauhang ito ay maraming kinakatawan. Yaong mga nakabasa na ng kanilang mga kuwento ay madarama ang gawaing ginawa ng Diyos sa kanila at ang mga salitang sinabi ng Diyos sa kanila ay totoo at maaaring maranasan ng mga tao sa mga araw na ito. Kapag binasa mo ang mga kuwento at talang ito mula sa Biblia, mas mauunawaan mo kung paano ginawa ng Diyos ang Kanyang gawain at pinakitunguhan ang mga tao noong panahong iyon. Nguni’t ang layunin Ko sa paghanap ng mga kabanatang ito ngayon ay hindi upang masubukan mong malaman ang mga kuwento at tauhan ng mga ito. Nguni’t, ito ay para makita mo, sa pamamagitan ng mga kuwento ng mga tauhang ito, ang mga gawain ng Diyos at ang disposisyon Niya, at sa gayong paraan ay mas magiging madaling makilala at maunawaan ang Diyos, upang makita ang tunay na panig Niya, upang pigilan ang iyong imahinasyon, upang mahinto ang iyong mga pagkaintindi tungkol sa Kanya, at matapos ang iyong malabong pananampalataya. Ang subukang intindihin ang disposisyon ng Diyos at unawain at kilalanin ang Diyos Mismo nang walang pundasyon ay madalas na maaaring makapagpadama sa iyo ng kawalang-kakayahan, kahinaan, at pagiging alanganin sa kung saan magsisimula. Kaya Ko naisip na gamitin ang ganoong pamamaraan at pagtrato sa paksa upang mas maunawaan mo ang Diyos, mas mapahalagahan mo nang totoo ang kalooban ng Diyos, at malalaman ang tungkol sa disposisyon ng Diyos at ang Diyos Mismo, at nang totoong madama mo ang pag-iral ng Diyos at mapahalagahan ang Kanyang kalooban para sa sangkatauhan. Hindi ba kapaki-pakinabang ito para sa inyo? Ano ngayon ang nararamdaman ninyo sa inyong mga puso kapag muli ninyong tiningnan ang mga kuwento at kasulatang ito? Sa palagay ba ninyo ay kalabisan ang mga banal na kasulatang pinili Ko? Kailangan Kong bigyang-diin muli ang kasasabi Ko lang sa inyo: Ang layunin ng pagpapabasa sa inyo ng mga kuwento ng mga tauhang ito ay upang makatulong sa inyong maintindihan kung paano ginagawa ng Diyos ang Kanyang gawain sa mga tao at ang Kanyang saloobin sa sangkatauhan. Sa paanong paraan ninyo maiintindihan ito? Sa pamamagitan ng gawaing ginawa ng Diyos sa nakaraan, at kasama ang gawaing ginagawa ng Diyos sa kasalukuyan upang matulungan kayong maintindihan ang iba’t ibang mga bagay na tungkol sa Kanya. Ang iba’t ibang mga bagay na ito ay totoo, at dapat na malaman at mapahalagahan ng mga nagnanais na makilala ang Diyos.

Magsisimula tayo ngayon sa kuwento nina Adan at Eva. Una, basahin natin ang banal na kasulatan.

1. Adan at Eva

1) Ang Utos ng Diyos kay Adan

Genesis 2:15–17 At kinuha ng Diyos na si Jehova ang lalake at inilagay sa halamanan ng Eden, upang kaniyang alagaan at ingatan. At iniutos ng Diyos na si Jehova sa lalake, na sinabi, Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: Datapuwa’t sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.

May nakuha ba kayo na kahit anong bagay mula sa mga bersikulong ito? Ano ang naramdaman ninyo sa bahaging ito ng banal na kasulatan? Bakit hinango mula sa banal na kasulatan ang “Utos ng Diyos kay Adan”? Ang bawat isa na ba sa inyo ay may dagliang larawan ng Diyos at ni Adan sa inyong mga isipan? Maaari ninyong subukin na guni-gunihin: Kung kayo iyong naroon sa eksenang iyon, ano kaya ang magiging anyo ng Diyos sa inyong puso? Ano ang nararamdaman ninyo tungkol sa larawang ito? Ito ay nakapupukaw at makabagbag-damdaming larawan. Bagama’t ang Diyos at ang tao lamang ang narito, ang pagiging malapit nila sa isa’t isa ay lubhang karapat-dapat na kainggitan: Ang masaganang pag-ibig ng Diyos ay walang-kabayarang ipinagkaloob sa tao, bumabalot sa tao; ang tao ay parang bata at inosente, walang kabigatan at walang alalahanin, napakaligayang nabubuhay sa ilalim ng pagtingin ng Diyos; nagpapakita ang Diyos ng malasakit para sa tao, habang ang tao ay nabubuhay sa ilalim ng pag-iingat at pagpapala ng Diyos; ang bawat isang bagay na ginagawa at sinasabi ng tao ay malapit na naka-ugnay at hindi maihihiwalay sa Diyos.

Maaari ninyong sabihin na ito ang unang utos na ibinigay ng Diyos sa tao simula noong nilikha siya. Ano ang nilalaman ng utos na ito? Taglay nito ang kalooban ng Diyos, nguni’t taglay rin nito ang Kanyang mga alalahanin para sa sangkatauhan. Ito ang unang utos ng Diyos, at ito rin ang unang pagkakataon na nag-alala ang Diyos tungkol sa tao. Ang ibig sabihin, mayroong pananagutan ang Diyos para sa tao mula pa noong sandaling nilikha Niya siya. Ano ang Kanyang pananagutan? Kailangan Niyang ingatan ang tao, alagaan ang tao. Umaasa Siyang magtitiwala at susunod ang tao sa Kanyang mga salita. Ito rin ang unang inaasahan ng Diyos mula sa tao. Dahil sa pag-asang ito kaya sinasabi ng Diyos ang mga sumusunod: “Sa lahat ng punong kahoy sa halamanan ay makakakain ka na may kalayaan: Datapuwa’t sa kahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama ay huwag kang kakain; sapagka’t sa araw na ikaw ay kumain niyaon ay walang pagsalang mamamatay ka.” Ang mga simpleng salitang ito ay kumakatawan sa kalooban ng Diyos. Ibinubunyag din ng mga ito na ang puso ng Diyos ay nagsimula nang magpakita ng malasakit para sa tao. Sa gitna ng lahat ng bagay, si Adan lang ang nilikha sa wangis ng Diyos; si Adan lang ang nabuhay na taglay ang hininga ng buhay ng Diyos; maaari siyang lumakad kasama ang Diyos, makipag-usap sa Diyos. Ito ang dahilan kaya siya binigyan ng Diyos ng ganoong utos. Ginawang napakalinaw ng Diyos sa utos na ito kung ano ang maaaring gawin ng tao, at kung ano rin ang hindi niya maaaring gawin.

Sa iilang simpleng salita na ito, makikita natin ang puso ng Diyos. Nguni’t anong uri ng puso ang makikita natin? May pag-ibig ba sa puso ng Diyos? May malasakit ba doon? Ang pag-ibig at malasakit ng Diyos sa mga bersikulong ito ay hindi lamang mapahahalagahan ng mga tao, kundi mainam at totoong madarama rin. Hindi ba ganoon nga? Ngayong nasabi ko na ang mga bagay na ito, sa palagay ba ninyo ay iilang simpleng salita lamang ang mga ito? Hindi gaanong simple, di ba? Nakita ba ninyo ito dati? Kung personal na sabihin ng Diyos sa iyo ang iilang salita na ito, ano ang mararamdaman mo sa iyong kalooban? Kung ikaw ay isang taong hindi mahabagin, kung ang puso mo ay mala-yelo sa lamig, kung gayon wala kang anumang mararamdaman, hindi mo pahahalagahan ang pag-ibig ng Diyos, at hindi mo susubukang maunawaan ang puso ng Diyos. Nguni’t kung ikaw ay isang taong may konsensya, may kabaitan, samakatwid iba ang mararamdaman mo. Makararamdam ka ng init, madadama mong ikaw ay nililingap at minamahal, at madadama mo ang kasayahan. Hindi ba tama iyan? Kapag nadama mo ang mga bagay na ito, paano ka makikitungo sa Diyos? Madadama mo kayang kaugnay ka ng Diyos? Mamahalin at igagalang mo kaya ang Diyos mula sa kaibuturan ng iyong puso? Mapapalapit kaya ang puso mo sa Diyos? Makikita mo mula rito kung gaano talaga kahalaga para sa tao ang pag-ibig ng Diyos. Nguni’t ang lubhang mas mahalaga pa ay ang pagpapahalaga at pagkaunawa ng tao sa pag-ibig ng Diyos. Sa katunayan, hindi ba nagsasabi ang Diyos ng maraming kagaya ng mga bagay na ito sa yugtong ito ng Kanyang gawain? Nguni’t pinahahalagahan ba ng mga tao sa panahong ito ang puso ng Diyos? Nauunawaan ba ninyo ang katatalakay Ko lang na kalooban ng Diyos? Ni hindi ninyo maaninag ang kalooban ng Diyos kapag ito ay tunay, nahahawakan, at makatotohanan. Kaya Ko nasasabing wala kayong totoong kaalaman at pagkaunawa sa Diyos. Hindi ba ito totoo? Iyan lamang ang ating ipagbibigay-alam sa seksyong ito.

2) Nilikha ng Diyos si Eva

Genesis 2:18–20 At sinabi ng Diyos na si Jehova, Hindi mabuti na ang lalake ay magisa; siya’y ilalalang ko ng isang katulong niya. At nilalang ng Diyos na si Jehova sa lupa ang lahat ng hayop sa parang at ang lahat ng ibon sa himpapawid; at pinagdadala sa lalake upang maalaman kung anong itatawag niya sa mga iyon: at ang bawa’t itinawag ng lalake sa bawa’t kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon. At pinanganlan ng lalake ang lahat ng mga hayop, at ang mga ibon sa himpapawid, at ang bawa’t ganid sa parang; datapuwa’t sa lalake ay walang nasumpungang maging katulong niya.

Genesis 2:22–23 At ang tadyang na kinuha ng Diyos na si Jehova sa lalake ay ginawang isang babae, at ito’y dinala niya sa lalake. At sinabi ng lalake, Ito nga’y buto ng aking mga buto at laman ng aking laman: siya’y tatawaging Babae, sapagka’t sa Lalake siya kinuha.

May ilang mahahalagang parirala sa bahaging ito ng banal na kasulatan. Pakiguhitan ito: “ang bawa’t itinawag ng lalake sa bawa’t kinapal na may buhay ay yaon ang naging pangalan niyaon.” Sino kaya ang nagbigay sa lahat ng buhay na nilikha ng kanilang mga pangalan? Ito ay si Adan, hindi ang Diyos. May sinasabing katotohanan sa sangkatauhan ang pariralang ito: Binigyan ng Diyos ang tao ng katalinuan noong siya ay Kanyang nilikha. Ang ibig sabihin, ang katalinuhan ng tao ay nagmula sa Diyos. Ito ay isang katiyakan. Nguni’t bakit? Matapos likhain ng Diyos si Adan, pumasok ba sa paaralan si Adan? Marunong ba siyang magbasa? Matapos likhain ng Diyos ang iba’t ibang buhay na nilikha, nakilala ba ni Adan ang lahat ng hayop na ito? Sinabi ba ng Diyos sa kanya kung ano ang mga pangalan nila? Siyempre, hindi rin itinuro ng Diyos sa kanya kung paano pangalanan ang mga nilikhang ito. Iyan ang totoo! Kung ganoon, paano niya nalaman kung paano pangalanan ang mga buhay na nilikhang ito at kung anong uri ng mga pangalan ang ibibigay sa kanila? Ito ay kaugnay sa tanong na kung ano ang idinagdag ng Diyos kay Adan noong nilikha Niya siya. Ang mga katotohanan ay nagpapatunay na noong nilikha ng Diyos ang tao, idinagdag Niya ang Kanyang katalinuan sa kanya. Mahalagang punto ito. Nakinig ba kayong lahat nang mabuti? May isa pang mahalagang punto na dapat na malinaw sa inyo: Matapos pangalanan ni Adan ang mga buhay na nilikhang ito, ang mga pangalang ito ay naitakda sa talasalitaan ng Diyos. Bakit Ko sinasabi iyon? May kaugnayan rin ito sa disposisyon ng Diyos at dapat Kong ipaliwanag ito.
………

Buong Teksto:https://tl.kingdomsalvation.org/gods-work-gods-disposition-and-god-himself-i.html

Category: Mga Aklat Kidlat ng Silanganan | Views: 131 | Added by: lih400847
Total comments: 0
avatar